Mamba - Kalaban ng Kurap

Panahon na po upang makapagtatag ng BAYANG MAUNLAD. Pamamayanan ng mga taong mamumuhay ng may kalidad, mulusog at masaya, at may sapat na aral at kakayahan para matalinong pagpapasya para sa kanilang magandang kinabukasan.

7/4/20242 min read

“Mga mahal kong kalungsod.

“Nagmula po ako sa pamilyang mahirap. Bahagi ng walumpung porsiyento ng ating mga maralitang kababayan sa buong bansa. Bahagi ng daan-daang pamilya na tinatawag na slum families o squatters na inilikas mula sa iba’t-ibang lugar ng bansa at ni-relocate noong 1970’s sa San Pedro Resettlement Area. Upper Village na ang tawag dyan ngayon. Ang katawagan sa amin noon hanggang ngayon ay mga Batang Upper.

“Kaya binansagan po ako ng aking maybahay – si Ann Matibag – na MAMBA. Acronym ng Melvin Alvarez Matibag Batang Upper Abogado. Napagalaman ko na ang MAMBA ay bansag din pala sa isa sa paborito kong NBA legend - si Kobe Bryant. Kilala si Kobe na isang mahusay, mapusok, ma-angas ngunit malinis na manlalaro.

“Sa Resettlement Area, itinatanong namin kung bakit kami mahirap. Masikap at masipag naman ang aming mga magulang. Doon namin napagalaman ang salitang KURAPSYON. Isa pala itong sakit sa gobyerno na uso na noon pero buhay na buhay pa hanggang ngayon.

Ninanakaw ng mga nakaupo sa pamahalaan ang pera ng bayan sa pamamagitan ng mga ghost projects, overpriced projects, at simpleng paggamit ng pera ng bayan sa paraang labag sa batas at moralidad.

Tama ang deklarasyon ng International Association of Anti-Corruption Activities (IAACA) at ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na ang kahirapan ng isang bansa ay sanhi ng korapsyon sa gobyerno.

“May mga taong kurap sa pumupwesto sa gobyerno upang magnakaw ng magnakaw. Ang budget para sa mga tao, ninanakaw. Ang iba naman, para magpayaman at magpayaman pang lalo. Ang nakakagalit ay nagnakaw na, nagyayabang pa. Ang KURAP na yan ay para bagang isang virus o bacteria na nagdudulot ng malawakang sakit sa lipunan na tinatawag na KAHIRAPAN.

“Panahon na po upang magtatag ng GOBYERNONG TAPAT. Pamamahalaan ng mga tapat sa tungkulin, tapat sa salita, at tapat sa bayan.

“Panahon na po upang LIPULIN ANG MGA KURAP. Wakasan ang KURAPSYON at ibigay sa taumbayan ang para sa taumbayan, lalo ang mga maralita.

“Panahon na po upang makapagtatag ng BAYANG MAUNLAD. Pamamayanan ng mga taong mamumuhay ng may kalidad, mulusog at masaya, at may sapat na aral at kakayahan para matalinong pagpapasya para sa kanilang magandang kinabukasan.

“Mabuhay po tayong lahat.”